Sa dulang "R.I.P" na inihandog sa atin ng organisasyong ENTABLADO, isa sa mga pinakamahalagang elemento na ipinakita sa dula ay ang mga tauhan at ang paraan nila ng pagganap. Isa sa mga pinakamahalagang tauhan sa dula ay Si Colas, na sa aming panunuod ay ginanapan ni Kalil Almonte. Si Colas ay direktor ng isang kumpanyang naglalayong magbigay aliw sa mga manunuod sa pamamagitan ng mga palabas. Bilang isang direktor, si Colas ay humaharap sa isang krisis pagdating sa industriya ng pagtatanghal, at ito ay ang pagbagsak ng komedya na siyang nag-iisang anyo ng pagtatanghal na kanilang ginagawa.
Ayon sa aking pagsusuri sa dula, si Colas ay isang pangkaraniwang direktor ng mga palabas. Hinahangad niya ang pagtangkilik ng kanyang mga manunuod at upang makamit iyon, gumagawa siya ng mga palabas na angkop sa panahon at yaong karaniwang tinatangkilik ng madla. Para sa aking sariling pananaw, si Colas ay isang simbolo para sa dalawang magkaibang uri ng tao: Una, sa mga direktor at kahit sinumang taong nagtatrabaho sa industriya ng pagtatanghal. Bilang isang trabahador ng kumpanyang may kinalaman sa industriya ng pagtatanghal, nararapat lamang na gawin mo ang lahat para lamang tangkilikin ng mga manunuod ang iyong palabas. Kung nais ng manunuod ng drama, bigyan mo sila ng drama. Kung nais nila ng mga bakbakang tagpo, marapat lamang na bigyan mo sila ng mga makapigil-hiningang eksena. Kung nais naman nila ng romansa, bigyan mo sila ng romansa. Kahit anong bagay na makapagpapasaya o makapagpapaaliw sa mga manunuod ay nararapat lamang na iyong tugunin upang makamit mo ang inaasam na pagtangkilik. Hindi si Colas ang tipong ipaglalaban kung ano ang sa tingin nya ay mas maganda. Kung nagkaganoon siya, dapat ay makikita natin sa dula na kahit ano pang pagbabago sa industriya ng pagtatanghal ang maganap ay ipipilit at ipipilit niya ang pagpapalabas ng komedya. Ngunit hindi ganoon si Colas. Si Colas ay ang tipo na gagawin ang lahat para lamang tangkilikin, kahit ang ibig sabihin pa nito ay baguhin ang kanyang perspektibo pagdating sa pagtatanghal. Ating nasaksihan sa dula na si Colas ay agad-agad nagpapalit ng uri ng pagtatanghal at ito'y naaayon sa kung ano ang nais ng manunuod. Kitang kita sa ugali n'yang ito na kaya niyang magpalit ng kahit anong uri ng pagtatanghal, mapakomedya man ito, sarswela, o pelikula, gagawin niya ang mga ito para lamang tangkilikin ng mga tao.
Bukod sa pagiging simbolo ng mga tipikal na direktor, mayroon pang lupon ng mga tao ang isinasagisag ng katauhan ni Colas, ang mga PILIPINO. Aminin man natin o hindi, tayong mga Pilipino ay may kaugalian na hilig nating tumulad sa mga ginagawa ng ibang bansa, partikular na sa Amerika. Mapapansin natin na sa panahon ngayon, lahat ng mga makikita natin sa industriyang pangtanghalan ng ating bansa ay pawang mga ideyang tinulad lamang sa mga nakikita natin sa ibang bansa. Nakakalimutan natin kung ano ang bumubuo sa ating bansa para lamang matangkilik ng mga tao. Mapapansin natin na lumalaganap na ang mga pelikula na hango sa mga palabas na ginawa ng Amerika o iba pang bansa at kitang kita naman natin kung gaano bumebenta ang mga ito. At kagaya ng sa dulang "R.I.P", ang bansa natin, kapag nawala na sa bentahan ang mga dating palabas, ay agad-agad na pinapalitan ng mga panibago. At kagaya ni Colas na nagbabago rin ang anyo alinsunod sa pagbabago ng uri ng pagtatanghal, ang Filipinas ay unti-unti naring nagbabago ng imahe at nililibing sa limot ang tunay na pagkakakilanlan.
------------------------------------------------------------------------
Kagaya nga ng aking nabanggit, tayong mga Pilipino ay may ugaling palaging nagnanais ng mga bagay na mayroon sa ibang bansa. Kung ang batayan natin nito ay ipopokus natin sa mga pelikula, mapapatunayan natin na ang pelikulang Pilipino ay nagbago na ng genre or kategorya. Noon, ang mga pelikulang Pilipino ay kilala sa pagkakaroon ng kaugnayan sa mga supernatural na elemento sa ating bansa. Ang halimbawa nito ay ang:
BABALA: Ang masasaksihang palabas ay maaaring magdulot ng matinding pagkagulat at atake sa puso ng mga manunuod. Gabayan ang mga nais manuod, lalo na ang mga matatanda.
*mula sa http://www.youtube.com/watch?v=ZqkZNjZh4WQ
Ito ay ang treyler ng pelikulang Patayin sa Sindak Si Barbara. Alam natin na as pelikulang ito ay may isang manyika na sinapian ng isang kaluluwa, at tayong mga Pilipino ay sadyang likas doon. Sa iba't ibang lalawigan sa Filipinas ay may kanya-kanyang mga kwento ng mga kababalaghan: mga taong sinasapian ng demonyo, tikbalang, manananggal, at iba pa. Kung parating ganito ang uri ng mga pelikulang ipinapakita ng ating bansa, masasabi ko na ang mga direktor ng mga pelikulang ito ay sadyang mapagpahalaga sa ating kultura, ngunit hindi iyon ang nangyari. Sa halip na panatiliin ang mga ganitong pelikula ay mas tinuunan ng pansin ng mga direktor ang ganitong uri ng pelikula:
*mula sa http://www.youtube.com/watch?v=leHDZVCf1nE
------------------------------------------------------------------------
*mula sa http://byxbuzz.blogspot.com/2011/12/pelikulang-panday-2-ginaya-ang.html
May napapansin ba kayo sa dalawang magkaibang litrato na ito? Ang unang litrato ay hango sa sikat na pelikulang Clash of the Titans at ang pangalawang litrato naman ay hango sa kalalabas lamang na pelikulang Ang Panday 2. Hindi ko naman sinasabing may naganap na panggagagad sa eksenang ito sapagka't wala akong matibay na proweba para doon, ngunit, dito pa lamang ay mapapansin natin na lubos na tayong naapektuhan ng mga makakapangyarihang mga bansa kaya maging takbo ng isip nila ay nagagaya narin natin, na kung saan ay hindi naman palaging tama.
Mapadirektor man, o karaniwang mamamayan, hindi naman lubhang masama ang panggagaya. Kung tutuusin, dahil sa mga bagay na ating itinutulad sa mga ibang bansa ay nagiging mas kritikal tayo at mas nagiging kilala tayo sa ibang lugar. Maging si Colas man, kinailangang magbago para lamang kumita. Kinailangan nyang iwanan ang naunang uri ng pagtatanghal na kanyang pinamamahalaan, para lamang makapagpasaya at makapagpaaliw ng mga manunuod. Ika nga nila, "Okay na 'yan, basta bumenta."
Paul Vincent M. Virrey
Filipino 12 - DD
------------------------------------------------------------------------
Mga Sanggunian:
1. JBchannel2, "PATAYIN SA SINDAK SI BARBARRA TEASER," YouTube video, 1:59, http://www.youtube.com/watch?v=ZqkZNjZh4WQ (accessed January 23, 2012).
2. JETPILOT2007, "GAGAMBOY [2003] Movie Trailer (Filipino Spider-Man)," YouTube video, 2:25, http://www.youtube.com/watch?v=leHDZVCf1nE (accessed January 23, 2012).
3. byx speaks, "Pelikulang 'Panday 2' Ginaya ang Hollywood Film na 'Clash of the Titans'," The Most Hated Philippine Showbiz Blog, entry posted December 27, 2011, http://byxbuzz.blogspot.com/2011/12/pelikulang-panday-2-ginaya-ang.html (accessed January 22, 2012).